PATAY ang 11-anyos na lalaki, habang naputulan ng mga kamay ang isa pa matapos masabugan ng kanilang pinulot na paputok sa Brgy. Balon Bato, Quezon City, kahapon.
Ang dalawang biktima ay kapwa 11-anyos at residente ng Camachili, Brgy. Balon Bato, Balintawak
Lumalabas na namatay ang isa dahil sa sugat sa kanyang ulo habang naputulan naman ng dalawang kamay ang isa na inoobserbahan pa sa Manila Central University (MCU).
Ayon kay SPO2 Edwin dela Cruz ng Quezon City Police District station 3 Talipapa, naganap ang insidente sa isang bakanteng lote sa loob ng Dimaano Compound, Brgy. Balon Bato, QC, alas-2:30 ng hapon kahapon.
Sinabi ni SPO2 Dela Cruz na habang abala ang dalawang biktima sa pagsasaayos sa kanilang mga naipong paputok na hindi pumutok noong selebrasyon ng bisperas ng Bagong Taon ay bigla iyong sumabog.
Makalipas ang ilang segundo, nakitang duguan na ang dalawang biktima at mabilis na isinugod sa naturang ospital.
Sinisiyasat pa ng mga pulis kung anong uri ng mga paputok ang napulot ng mga biktima.
The post 2 batang nasabugan ng paputok, 1 patay, 1 naputulan ng mga kamay appeared first on Remate.