BUKOD sa pagnanakaw, may mga senyales na ginahasa rin ang isang farm manager bago pinagsasaksak hanggang sa mapatay sa Batangas City, kaninang madaling-araw.
Sinabi ni Senior Inspector Joel Ilagan, hepe ng Batangas City Police Office, na posibleng nanlaban ang biktimang si Jackielyn Jose, 26, manager ng BMV Farm sa Barangay San Miguel, Padre Garcia town kaya may mga saksak ito sa iba’t ibang bahagi ng katawan nang matagpuan, dakong 5:45 ng madaling-araw sa loob mismo ng nasabing farm.
Pero hinala ni Ilagan na ang pag-atake sa biktima ay naganap nitong Biyernes pa ng gabi.
Blangko naman ang pulisya sa kung sino ang may kagagawan ng karumal-dumal na krimen pero may mga suspek na sila sa pagpatay kay Jose pero hindi muna ibinunyag ang pagkakakilanlan alinsunod sa ikakasang follow-up-operation.
Bago aniya naganap ang insidente, ay karaniwang naiiwan na mag-isa ang biktima sa nasabing farm.
Nagulat na lamang ang nakadiskubre na kasamahan din ng biktima sa nasabing farm nang makita si Jackielyn na patay na.
Inaalaman pa ng pulisya kung bukod sa pagpatay ay may mga nawawalang mahahalagang gamit sa loob ng farm.
Isa pa rin na inaalam ng pulisya ay kung may sumalbahe sa biktima dahil nakababa ang kanyang pantalon sa may paa nito.
The post Lady farm manager sa Batangas, natagpuang patay appeared first on Remate.