SWAK sa kulungan ang isang drug den owner at bisita nito sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa iligal na pasilidad sa Iloilo.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo Cacdac, Jr. ang suspek na si Jodie Dedoroy, alyas “Nonoy Piang”, 46, isang lottery outlet owner at Arjie Demagajes, alyas “Nonoy Arj”, 46, kapwa ng Dumangas, Iloilo.
Ayon sa PDEA Regional Office 6, nagsagawa ng entrapment operation ang awtoridad sa bahay na pag-aari ng isang Dedoroy sa Barangay Aurora del Pilar, Dumangas, Iloilo nitong tanghali ng Enero 9, 2014.
Si Dedoroy ay dinakip ng mga awtoridad matapos pagbilhan ng shabu ang isang PDEA agent na nagkunwaring poseur-buyer.
Matapos madakip ang suspek, hinalughog ng mga awtoridad ang bahay ng suspek at nakuha pa ang may 32 pang sachet ng shabu. Si Demagajes na naroroon sa lugar nang isagawa ang operasyon ng mga awtoridad ay dinakip din ng PDEA.
Si Dedoroy ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), Section 6 (Maintenance of a Drug Den) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II of Republic Act 9165, na mas kilala sa tawag na the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. At hiwalay na kaso ng paglabag ng Section 7 (Visitor of a Drug Den) ang isasampa laban kay Demagajes.
The post Drug den owner at bisita, nalambat ng PDEA sa buy-bust appeared first on Remate.