NABAGOK ang ulo ng isang ginang matapos himatayin habang nakapila sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI)-Iloilo para kumuha ng NBI clearance para sa kanyang pag-a-abroad.
Sa ngayon ay malubha ang lagay ng biktimang si Ajelbie Caburobias.
Ayon naman sa mister ng ginang, posibleng nanghina ang katawan at sumama ang pakiramdam ng kanyang misis dahil magdamag silang naghintay sa tanggapan ng NBI para lamamg makauna sa pila.
Nabatid na hindi lamang sa tanggapan ng NBI sa Maynila ngayon ang nakararanas ng mahabang pila ng mga aplikante ng clearance kundi sa ibat ibang tanggapan sa bansa matapos na mapaso ang kontrata ng NBI sa technology service provider na Realtime Data Management Services Incorporated nitong Disyembre 31, 2013.
Samantala, ikinalungkot naman ni Justice Secretary Leila de Lima ang nangyari at pinayuhan ang mga pipila sa NBI na magdala na lamang na pagkain upang hindi abutin ng gutom at hindi manghina.
Sinubukan din ng kalihim na pumila para mag-renew ng kanyang clearance subalit hindi rin ito nagtagal at umalis din dahil mayroon pa siyang pupuntahang pulong.
The post Ginang nabagok ang ulo habang nakapila sa NBI clearance appeared first on Remate.