AABOT sa P5 milyon halaga ang napinsala matapos magliyab ang isang pampasaherong bus at nakadamay ng isang sasakyan at tatlong tindahan sa Commonwealth Avenue, Quezon City kagabi Enero 16, 2014.
Ayon kay Senior Supt. Jesus Fernandez, Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection ng QC, naganap ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Brgy. Old Balara, QC alas-10:00 kagabi.
Sinabi ni Fernandez na minamaneho ng driver na si Leo Mayo, 38, ng Fermina Bus Express (TCK-880) ang kahabaan ng Commonwealth Avenue pabalik sa kanilang garahe sa Fairview nang biglang magliyab ito.
Nabatid pa sa ulat na habang nagliliyab ang naturang bus ay umaatras ito dahilan para madamay naman ang nakaparadang Isuzu Elf at tatlong stall sa gilid ng kalsada.
Agad namang naapula ng mga pamatay sunog ang nagliliyab na bus at mga establisyimento makalipas ang ilang minuto.
Sumuko naman sa mga awtoridad ang driver ng bus na si Mayo at kasalukuyan ngayon nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property dahil sa naturang insidente.
The post UPDATE: P5M pinsala sa nagliyab na bus sa QC appeared first on Remate.