NABABAWASAN na ang mga stranded na pasahero sa mga pantalan ng Bulan, Pilar at Matnog port sa Sorsogon.
Kaugnay nito, nabawasan ngayon ang mahigit sa 7,000 mga pasahero na stranded sa mga pantalan matapos magdesisyon ang ilang barko na bumiyahe na patungong mga katabing lalawigan lalo na patungong Eastern Visayas.
Sa kabila nito problema pa rin ang mahabang pila ng mga malalaking sasakyan at ilang pampasaherong bus na ilang araw na rin na nakahimpil sa Matnog port.
Dahil dito, hiningi na ni Philippine Ports Authority (PPA) Bicol manager Nene Sumagaysay sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magpalabas ng cease and desist order para pigilin ang pagbiyahe pa ng ilang mga bus na tutungo sa kanilang mga pantalan sa lalawigan
Ang layunin ay para maiwasan ang “congestion” na nararanasan ngayon kasabay ng mahabang pila ng mga truck at bus na nais makatawid sa karagatan.
Ayon sa opisyal, maaaring abutin pa hanggang bukas o sa susunod na araw bago pa man makabiyahe ang nasabing mga pasahero at ilang sasakyan dahil sa limitadong biyahe sa karagatan.
The post Stranded passengers sa Sorsogon, nababawasan na appeared first on Remate.