NAMATAY ang isang mangingisda bunga ng matinding gutom, habang pito naman ang nasagip matapos lumubog ang kanilang bangka sa bahagi ng Davao Oriental.
Kinilala ang namatay na si Marshal Constante, 33, ng Surigao del Norte habang ang survivors ay sina Jerry Lumayag, 33, ng Negros Occidental; Jay-R Sisol, 29, mga taga-Surigao City; Edil Dobleo, 18, ng Surigao del Norte; Jomar Cabaltera, ng Koronadal City; Arjay Disoy, 23; Jayson Soliman, 20 at Noreto Lara, 22, pawang ng Kiamba, Sarangani Province.
Sa ulat, noong Enero 6, pumalaot para mangisda ang mga ito sa bahagi ng Davao Oriental at naabutan ng bagyong Agaton kaya lumubog ang sinakyang bangka.
Tanging storage box lang ang kanilang hinawakan habang nasa gitna ng karagatan ngunit isa sa kasama nila ang hindi nakatiis sa sobrang gutom na naging sanhi ng pagkamatay nito.
Noong Lunes, January 20 nang ma-rescue ang mga mangingisda matapos silang mamataang palutang-lutang sa karagatan ng isang fishing vessel ang FV CA Chelsia.
Kaagad na inihatid sa lungsod ng Mati, sa lalawigan ng Davao Oriental ang survivors at agad na isinailalim sa medical treatment.
The post Mangingisda tepok, 7 nasagip sa lumubog na fishing boat appeared first on Remate.