HINOLDAP ang isang bus sa EDSA southbound lane sakop ng Quezon City, Miyerkules ng umaga, Enero 22.
Sa kuwento ng mga nabiktimang pasahero ng MacArthur Express bus (UVL 292) na biyaheng Malanday-Alabang, pagdating nila sa NIA Road sa QC, bumunot ng .38 mm na baril ang isa sa mga suspek habang armado naman ng balisong ang kasama nito.
Tinutukan ng baril ang pasaherong si Arnold Lavilla at kinuha ang mga gamit ng ilan sa mga sakay.
Ngunit naglakas-loob manlaban ang isa pang lalaking pasahero na sinegundahan pa ng ibang sakay.
Nataranta ang mga suspek at nahinto ang paglimas sa mga gamit ng iba pang pasahero.
Ngunit pagtataka ng mga pasahero, sa kasagsagan ng komosyon sa loob ng bus, walang ginawa ang konduktor ng bus na si Aldrin Anillo na nasa likod ng isa sa mga holdaper.
Sinigawan din ng mga sakay ang driver ng bus na si Cesar Francisco na isara ang pintuan ng bus para hindi makatakas ang mga holdaper ngunit hindi anila sumunod ang driver.
Nakiusap din ang mga ito na sa flyover idaan ang bus na hindi rin sinunod ni Francisco dahilan upang makatakas ang mga holdaper.
Lumalabas na 15 pasahero ang nabiktima. Karamihan sa mga ito ang umalis na at nasa 10 lamang ang nagreklamo.
Sa QCPD Station 10, nang siyasatin ang cellphone ng driver, na madalas nagagamit sa modus ng panghoholdap, wala nang laman ang inbox at sent items nito.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente at posibleng isama rito ang driver at konduktor ng bus.
The post Bus hinoldap sa QC: Driver, konduktor itinurong kasabwat appeared first on Remate.