DAHIL sa matagal nang alitan, dalawang grupo ng bilanggo ang nagpang-abot na nagresulta sa malubhang pagkakasugat ng dalawang inmate sa Sorsogon Provincial Jail.
Sa ulat, kinilala ang mga biktima na sina Bienvenido Jasareno at Joel Herrera, leader ng Sputnik Gang.
Una rito, naglalakad ang dalawa pabalik sa kanilang mga pwesto mula sa dinaluhang pagtitipon sa loob ng kulungan, nang salubungin ng grupong Bahala na Gang na pinangungunahan nina Raymundo G. Borbe, Gaspar C. Lucido, Marcial Brin, Azul Grinpola at Randy Geralde.
Nang magkaharap, dito na inundayan ng saksak ni Borbe ang mga biktima habang pinagpapalo naman ng kahoy ang mga ito ng kanyang mga kasamahan hanggang sa mawalan ng malay.
Tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang naging pinsala ng mga biktima habang ang ilang inmates ay nagkaroon ng mga galos matapos ang riot.
Matatandaan na ilang ulit na rin na nagkasagupa ang dalawang grupo sa loob ng kulungan dahil sa matagal nang alitan.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga opisyal ng Sorsogon Provincial Jail at Sorsogon City Police Station kaugnay ng insidente lalo pa at ilang mga patalim din ang na-recover mula sa mga preso.
The post 2 inmates malubha sa jail riot sa Sorsogon appeared first on Remate.