PATAY ang isang obrero habang sugatan naman ang kasamahan nito makaraang saksakin ng hindi pa nakikilalang salarin habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay sa Quezon City kaninang madaling-araw, Enero 26, 2014.
Kinilala ang biktima na si Raymond Obar, 23, construction worker ng 219 Interior 12, Dominador St. Tandang Sora, Subd., Baesa, QC na namatay dahil sa tama ng saksak sa kanang tiyan habang ginagamot sa Global Pacific Hospital.
Sugatan naman ang kasama nito na si Joshua Diasata, 18, construction worker ng Jushua compound, Brgy. Talipapa, QC na nagtamo ng tama ng saksak sa kaliwang leeg at kasalukuyang inoobserbahan sa Quezon City General Hospital.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa harap ng HBC Building sa Mindanao Avenue, cor. Quirino Hiway, Brgy. Talipapa, QC, dakong 1:00 ng madaling-araw.
Sinabi sa ulat na naglalakad ang mga biktima sa naturang lugar kasama ang kanilang tatlong kaibigan nang bastusin ng hindi kilalang suspek ang kasamahan ng mga biktima.
Ipinagtanggol ng biktima ang kanilang kaibigan dahilan para saksakin ang mga ito ng suspek.
Matapos ang pananaksak ay tumakas ang suspek.
The post Kaibigan ipinagtanggol sa away, obrero patay appeared first on Remate.