SINUSPINDE kaninang umaga, Enero 28, 2014, ang klase sa Philippine Science High School (PSHS) sa Agham Road, Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pagasa, QC dahil sa tensyon na nagaganap sa ikalawang araw ng demolisyon na isinasagawa ng Quezon City government sa mga squatter sa naturang lugar.
Bunsod nito, bantay-sarado pa rin ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang naturang lugar para panatilihin ang katahimikan sa naturang lugar.
Pangunahing nababahala ang management ng Philippine Science High School sa seguridad ng mga estudyante, guro at mga empleyado ng paaralan habang isinasagawa ang demolisyon sa mga squatter.
Kanina ay isinagawa ang ikalawang araw na demolisyon sa Agham Road, Sitio San Roque, matapos muling dumating ang demolition team sa lugar.
Pangunahing intensyon ng demolition team ang gibain ang mga 240 squatter sa naturang lugar.
Magugunitang kahapon ng tanghali, umulan ng bato at pillbox mula sa mga residente ng Sitio San Roque, Agham Road, Brgy. Pagasa makaraang idemolis ng QC government ang kanilang mga bahay.
Hindi napigilan ng mga residente ang demolition team na nagsagawa ng barikada matapos tumangging lisanin ng mga ito ang kanilang mga bahay para pigilan ang demolition team na gibain ang kanilang mga bahay.
Kaugnay nito, desidido ang QC government na idemolis ang mga bahay sa Sitio San Roque, Brgy. Bagong Pagasa para bigyang daan ang development sa naturang lugar.
The post Klase sa Philippine Science High School, sinuspinde appeared first on Remate.