AABOT na sa 1,000 ang bilang ng mga naistranded na pasahero kasama ang mga turista papuntang isla ng Boracay sa Caticlan jetty port dahil pa rin sa epekto ng bagyong Basyang na isinailalim sa signal number 2 ang lalawigan ng Aklan.
Ayon kay Chief Petty Officer Pedro Taganos ng PCG-Caticlan, mahigit sa 300 mga turista na karamihan ay mga Koreano patungo sa Isla at apat na barko na nasa 500 mga pasahero papuntang Mindoro ang kasalukuyang stranded sa Caticlan jetty port dahil sa bagyo.
Samantala, sinabi naman ni Ms. Gina Fonteros Special Operations Officer 3 ng jetty port na minabuti nila na itigil ang biyahe ng mga fastcraft at pumpboat papuntang Boracay alas-6:00 kagabi dahil sa masamang lagay ng panahon.
Dagdag pa nito, ibabalik lang sa normal ang biyahe sa oras na wala ng storm signal sa lalawigan.
Sa kabilang dako, inabisuhan ni Tim Ticar, officer-in-charge ng Department of Tourism (DoT) Boracay ang mga turista na huwag munang magsagawa ng sea sports activities para maiwasang malagay sa alanganin ang mga ito.
Upang hindi na tumaas ang bilang ng mga stranded na pasahero, nanawagan si Ticar sa mga transport group na huwag na munang dalhin ang mga turista sa Caticlan dahil sa kanselasyon ng biyahe ng pumpboats.
The post 1,000 pasahero na papunta at paalis ng Boracay, naistranded appeared first on Remate.