HALOS magkasunod na niyanig ng lindol ang Pangasinan at Japan nitong Sabado ng gabi.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology ang Seismology (Philvocs) naramdaman ang magnitude 4.2 na lakas ng lindol sa Pangasinan na isang tectonic ang pinanggalingan.
Ayon pa sa Philvocs naramdaman sa lugar ang lindol bandang alas-10:39 ng gabi na natukoy ang sentro nito sa layong 62 kilometro sa hilagang kanluran ng Bolinao, Pangasinan.
May lalim itong 11 kilometro at maituturing na mababaw na pagyanig lamang.
Samantala, nasundan ang pagyanig mga bandang alas 11:17 sa bansang Japan naman kung saan naitala ng US Geological Survey ang 6.9 magnitude na malakas na lindol na naramdaman sa isla ng Hokkaido at malapit sa bayan ng Obihiro at lalim na 103 kilometro.
Sampung tao ang iniulat na nasaktan sa lindol dahil sa mga nabasag na salamin sa ilang gusali bagamat wala namang iniulat na nasira sa mga nuclear facilities na nasa naturang isla. Hindi rin umano lumikha ng tsunami ang malakas na pagyanig.