DAHIL sa patuloy na kaguluhan, tatlo ang iniulat na namatay habang lima naman ang nasugatan sa magkahiwalay na sagupaan at pagsabog ng Improvised Explosive Device (IED) sa munisipyo ng Sumisip, Basilan.
Ayon sa ulat na nakalap mula sa 1st Infantry Tabak Division ng Philippine Army (PA), unang nagkaroon ng sagupaan kahapon sa pagitan ng tropa ng mga sundalo kasama ang mga miyembro ng CAFGU laban sa mga bandidong grupo sa may Sitio Lukketon, Barangay Sukaten.
Kasama ng mga CAFGU ang tropa ng 64th Infantry Battalion sa pangunguna ni Lt. Randolf Manding na nagbibigay ng seguridad sa paligid ng government water project sa lugar kasunod ng banta ng mga bandido sa mga nagtatrabaho rito.
Ang dalawang namatay sa engkuwentro ay kinilalang sina Duminta Gulinda, miyembro ng CAFGU at ang isang nagsisilbing civilian asset ng militar na si Bejo Sampang.
Tatlo sa limang mga sugatang biktima ay kinilalang sina Almirin Pantao, Omar Jadjales at si Oloy Malanji na karamihan ay mga miyembro ng CAFGU.
Makalipas ang 15 minuto palitan ng putok, umatras ang nasa 15 mga armadong kalalakihan dala ang kanilang mga nasugatang kasamahan.
Samantala, isang lalaki na nagtatrabaho sa isang rubber plantation ang namatay din kahapon sa isang pagsabog ng Improvised Explosive Device (IED) sa may Baranagay Mebak ng parehong munisipyo.
Ayon sa report na aksidenteng naapakan ng biktima ang itinanim na bomba na pinaniniwalaang kagagawan g mga bandido na kaya sumabog ito at nagresulta sa kanyang pagkamatay.
The post 3 patay sa sagupaan at pagsabog sa Basilan appeared first on Remate.