SUSPENDIDO na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang G.V. Florida Transport Inc., matapos mahulog sa mahigit 100-metrong bangin sa Mountain Province, Biyernes ng umaga.
Sa report, pinatawan ng LTFRB ng preventive suspension order ang Florida Transport habang iniimbestigahan ang kasong ikinamatay ng 15 pasahero kasama na ang komedyanteng si “Tado” o Arvin Jimenez.
Kinumpirma ni LTFRB Chairperson Winston Ginez na agad itong magiging epektibo oras na matanggap na ng kumpanya ang kautusan.
Sa hiwalay na report, dalawa sa 15 nasawi ang naiuwi na sa kanilang probinsya habang nananatili sa Bontoc General Hospital ang labi ng iba pang nasawi kasama ang dalawang dayuhan.
Ang pito pa ang nasa malalang kondisyon sa Luis Hora Hospital, Bauko, Mt. Province ay sina Sylvestre Dawey, Olivia Aglipay, Camille Osorio, Christian Cabarte, Agong Sikam, Abegail Sikam at Amian Sikam.
Tutulong na ang chopper ang Northern Luzon Command (NOLCOM) upang mailipat sa ospital sa Maynila ang ibang pasyente.
Isa sa naging basehan ng uspension sa G.V. Florida Transport Inc. ay ang umano’y ilegal na pagkabili sa naaksidenteng bus.
Ani Ginez, nakapangalan ang bus sa isang “Mr. Que”, isang maliit na kumpanyang nabili ng Florida Transport kasama ang bus na nahulog sa bangin.
Hindi umano naiulat sa kanila ang transaksyon sa pagitan ng dalawang panig at ang plakang nakakabit sa naaksidenteng bus ay hindi ang orihinal na plakang para rito.
Papatawan ng preventive suspension order ang lahat ng bus units ng G.V. Florida Transport Inc. kabilang ang ibang division at subsidiary nito na aabot sa 300 bus unit.
Kabilang sa subsidiary ng Florida Transport ang Dagupan Bus Line, Ballesteros Bus at Dagupan Bus.
The post Florida transport sinuspinde ng LTFRB appeared first on Remate.