LIMANG katao ang nalagas habang may 45 naman ang nasugatan nang mahulog sa isang malalim na kanal ang kanilang sinasakyang pampasaherong jeep sa Abra kaninang umaga, Pebrero 9.
Dead on the spot sanhi ng iba’t ibang kapansanan sa ulo at katawan ang mga biktimang sina Melba Millare, Solomen Colangan, Veronica Tucio, Noreen Tugade at Dimple Tugade.
Nakaratay naman sa Abra Provincial Hospital ang 28 sugatang biktima, 9 naman sa Abra Christian Hospital at 8 sa Seares Memorial Hospital.
Nasa kustodiya na ng Licuan-Baay Police Station ang jeepney driver na si Victor Pacio habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.
Naganap ang insidente alas-9:25 ng umaga sa Sitio Galitungan, Nalbuan, Licuan-Baay, Abra.
Ayon kay Police Senior Inspector Rosal Henaro, nawalan ng kontrol sa manibela ang drayber na si Pacio habang pababa sa sharp curve ng nasabing daan kaya tumagilid ang kanyang sasakyan bago nahulog sa isang metrong lalim na kanal.
Karamihan sa mga nasugatang biktima ay nakaupo sa bubungan ng dyip na nagmula sa isinagawang 4P’s meeting sa Sitio Baquero, Nalbuan, Licuan-Baay, Abra.
The post Dyip nahulog sa kanal, 5 todas appeared first on Remate.