SUGATAN sa ambush ang isang lalaking negosyante habang nakaligtas naman sa tiyak na kapahamakan ang misis nito nang tambangan ng riding in tandem sa Barangay Lasio Chico sa Dagupan City kaninang alas-8:45 ng umaga, Pebrero 10.
Tama ng kalibre 45 sa iba’t ibang parte ng katawan ang ikinasugat ng biktimang si Fajardo Bernardo, 28, ng Barangay Lasio Chico, Dagupan City.
Bagamat hindi pinatamaan, kinuha ng mga suspek ang dalang bag ng misis ni Fajardo na si Maribel.
Hindi naman nabatid kung magkano ang nakulimbat sa mag-asawa.
Ayon sa imbestigasyon, bago ang insidente ay naghatid ang mag-asawa ng panindang frozen products sa bayan ng Mangatarem.
Pero bago umuwi, dumaan muna ang mag-asawa sa isang restoran pero habang sakay sa kanilang sasakyan para umuwi, napansin nilang may bumubuntot sa kanila na itim na motorsiklo.
Nagmenor ang biktima pero isa sa mga suspek na inilarawang 5’4, mataba at nakasuot ng itim na jacket ang agad naglabas ng baril at agad silang pinagbabaril pero hindi sila tinamaan.
Lumabas ang mag-asawa sa kanilang sasakyan para tumakas pero tinamaan na si Fajardo nang muli silang paulalan ng putok.
The post Mag-asawa inambus, mister sugatan appeared first on Remate.