NALAGAS ang pito katao kabilang ang tatlong miyembro ng pamilya sa dalawang magkahiwalay na karahasan sa Basilan nitong nakaraang Lunes.
Pawang dead-on-the-spot sanhi ng tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang mga biktima na nakilala lamang bilang sina Husin, at ang magkapatid na Wahid Piskalin at Kasayan Piskalin habang hindi pa nakikilala ang isa pa.
Blangko pa ang pulisya kung sino ang mga salarin at ano ang motibo sa pagpatay sa mga biktima pero may hinalang away ng angkan o rido ang sanhi ng patayan.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-8:45 ng gabi sa Barangay Bohelebung, Tipo-Tipo, Basilan.
Sa imbestigasyon, bigla na lamang tinambangan ng mga armadong lalaki ang mga biktima na dalawa pa sa kanila ay pinugutan ng ulo.
Sa bayan naman ng Lantawan, tatlong magkakamag-anak ang minasaker matapos pasukin ang kanilang bahay sa Sitio Yakal, nitong Lunes ng hapon.
Hinihinalang hinataw ng matigas na bagay ang mga biktima na sina Teresita Guerrero, 72, ang kanyang mister na hindi nakuha ang pangalan at isa pang kaanak na si Fritzy Stanley.
Nawawala ang ilang kagamitan sa bahay ng mga biktima kabilang ang pera at alahas.
The post UPDATE: 7 utas sa magkahiwalay na masaker sa Basilan appeared first on Remate.