DAHIL napundi sa ingay ng tambutso ng motorsiklo, isang barangay chairman ang namaril ng dalawang magkaibigan sa Pangasinan town nitong Martes ng gabi, Pebrero 18.
Nagtamo ng tama ng bala ng calibre .40 sa kaliwang balikat ang isa sa mga biktima na si Jason Muerong na isinugod agad sa pagamutan. Hindi naman tinamaan ng bala ang nagmamaneho ng motorsiklo na si Jordan Cabatlig.
Nahaharap naman sa kasong attempted homicide ang suspek na si Kapitan Jessie de Vera, chairman ng Barangay Guiguilonen, pero ayon dito, lalabanan niya ang reklamo ng dalawang complainant.
Naganap ang insidente alas-10:30 ng gabi sa isang bisinidad sa Mangaldan, Pangasinan.
Bago ito, nagpapatrolya si De Vera sa lugar nang mayamot sa ingay ng tambutso ng motorsiklo na minamaneho ni Cabatlig kaya sinita ang magkaibigan.
Imbes naman huminto, pinaharurot ni Cabatlig ang kanilang motorsiklo kaya binaril sila ni De Vera.
The post Tserman napundi sa ingay ng motor namaril appeared first on Remate.