PAREHONG nasadlak sa kulungan ang dalawang lasing na pintor matapos na bitbitin sa himpilan ng pulisya at ireklamo ng dalawang pulis dahil sa ginawang pambabastos habang sila ay naka uniporme at nakaduty kahapon ng hapon sa Mandaluyong City.
Kinilala ni Eastern Police District Investigation chief P/ Supt. Oscar Mansibang ang mga suspek na sina Archie Guerero, 20 anyos, binata at Jerico Gonzales, 20 anyos, binata, kapwa residente ng Alvejo st., Mercedes Ave., Pasig City.
Nakilala naman ang mga nagreklamo na sina PO2 Jefrey Castillo at PO1 Wilson Sanchez kapwa nakatalaga sa OPSB-Eastern Police District at nagsisilbing mga bus marshall sa kahabaan ng Edsa.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong ala-1:40 ng hapon sa EDSA kanto ng Shaw Boulevard (crossing) Mandaluyong City.
Sa salaysay ng dalawang pulis kay PO3 Ryan Escorial, may hawak ng kaso, pareho silang nakaduty sa nasabing lugar nang lapitan ng mga suspek na parehong lango sa alak at sinabihang nga “kotong cops” kasabay ng pagduro sa mga ito at sapilitang pagkuha nang kanilang mga pangalan.
Dahil sa mga lasing ay hindi na lamang pinansin ng dalawang pulis ang dalawa subalit nag iskandalo pa ang mga ito na nagdulot ng pagsisikip ng trapiko kung kayat pinakiusapan na umuwi na lamang.
Gayunman, nagpatuloy ang dalawang suspek dahilan para bitbitin sa himpilan ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.