TUMIMBUWANG sa kalsada ang isang dating barangay chairman nang ratratin ng riding in tandem sa Lipa City, Batangas kaninang umaga (Pebrero 6).
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at namatay noon din ang biktimang si Roger Maldunado, ex-barangay captain ng Barangay Pinagkawitan, Lipa City.
Blangko pa ang pulisya sa kung ano ang motibo sa pagpatay sa biktima at sa kung sino ang nagkasa ng krimen na naganap dakong alas 9:30 ng umaga sa town proper ng Lipa City.
Sinabi ni Police Supt. Christopher Birung, hepe ng Lipa Police, bago ang pamamaril ay magpapagupit lamang ang biktima sa isang barber shop sa bayan.
Pero hindi pa man nakakapasok sa nasabing barbershop nang lapitan ng isa sa dalawang armadong kalalakihan at saka pinagbabaril bago tumakas.
Kahapon, isang retiradong bumbero naman ang namatay nang pagbabarilin din ng riding-in-tandem sa Sto. Tomas, Batangas, na naganap sa kabila ng umiiral na election gun ban.