HINDI lang pandurukot ang nililinya kundi nahulihan din ng malakas na armas ang isang teenager habang nakasakay sa isang passenger cargo ship sa Zamboanga kaninang umaga (Pebrero 6).
Sinabi ni Philippine Coast Guard Western Mindanao Command (WESMINCOM) District Commander Ferdinand Velasco, na ang nahuling suspect ay nakilalang si Jomar Indanan, 19-anyos at residente ng Barangay Campo Islam sa Siasi, Sulu.
Bukod sa nabawi ang dinukot na pikata sa isa sa mga pasahero ng barko, nakumpiska rin ng mga tauhan ng PCG sa suspect ng isang M16 armalite rifle at mga bala ng nasabing kalibre na nakasilid sa isang plastic bag.
Sa ulat, natiklo ang suspect dakong alas 8:30 ng umaga habang lumalayag sa karagatan ang MV Kristel Jane III na nangggaling sa Sulu at patungong Zamboanga City.
Bago ito, inireklamo ang suspect dahil sa pagdukot ng wallet sa isa sa mga pasahero ng naturang barko.
Nang kuwelyuhan ng mga tauhan ng PCG, nadiskubre rin na bukod sa tirador ito ng mga pasahero ng barko ay may dala rin itong M16 armalite rifle.
Inaalam na rin ng awtoridad kung paano naipuslit ni Indanan sa loob ng barko ang kanyang armas sa kabila ng ipinaiiral na election gun ban sa buong bansa.
Isinasailalim na rin ito sa masusing interogasyon upang pigain kung ang kanyang dalang armas ay kanyang ibebenta o panggamit sa kanyang masamang gawain.