NI-RAPE na ng among lalaki, binugbog pa ng among babae ang 19-anyos na probinsyanang kasambahay.
Ito ang reklamo ng biktimang si “Divina,” ng Catbalogan, Samar sa tanggapan ng Manila Police District-Children’s and Women’s Protection Unit.
Inireklamo ng dalaga ang kanyang among lalaki na si Marko Villon, 32, empleyado ng Department of Foreign Affairs (DFA) at misis na si Charmaine Debantes, 29, call center agent, ng 1651 President Quirino St., Pandacan, Maynila.
Sa reklamo ng biktima, nagsumbong siya sa among babae na siya ay pinagsamantalahan ng among lalaki ngunit imbes na pakinggan ay sinabunutan siya nito, pinalo sa ulo at katawan at sa dalawang binti.
Katwiran ng among babae, hindi iyon magagawa ng kanyang asawa kaya siya ginulpi.
Ayon pa sa biktima, madaling-araw noong Biyernes nang pasukin siya sa kuwarto ng among lalaki na lasing saka kinubabawan habang nakatutok ang patalim.
Nang makaraos ay nagbanta itong papatayin ang biktima kapag nagsumbong kaya wala siyang nagawa kundi ang umiyak.
Pero nang dumating ang kanyang among babae ay isinumbong niya ang kahayupan ng asawa nito subalit nagalit ang babae at kinampihan ang mister.
Nang maglakas loob ang biktima na magsumbong sa kanyang kaanak na nasa Maynila ay agad siyang sinamahan sa MPD headquarters upang magsampa ng reklamo laban sa mag-asawang amo.
Lumitaw sa report na taong 2012 nang lumuwas sa lungsod ang biktima at nasa 10 buwan pa lamang na nanunungkulan bilang kasambahay sa mag-asawa sa sahod na P3,000.
The post Kasambahay na nireyp ng among lalaki, ginulpi pa ng among babae appeared first on Remate.