HUWAG nang pag-aralan kundi dapat na talagang palitan ang disensyo ng Skyway tollway.
Ito’y sa kabila ng pag-amin ni Julius Corpuz, spokesperson ng Toll Regulatory Board (TRB) na ‘very alarming’ na ang serye ng disgrasya sa nasabing tollway at dapat na itong matuldukan upang hindi na maulit ang malalagim na aksidenteng nangyari rito na kumitil na sa maraming buhay.
Sa obserbasyon ng grupo ng transport group, masyadong mahina ang railings sa gilid ng nasabing tollway kaya kadalasang ang mga sasakyan na nasasangkot sa aksidente ay nahuhulog dito.
Ang dapat na gawin sa pinaplanong bagong disensyo ay ang steel railings na nakalatag na kayang pigilan o hadlangan ang mga sasakyan (maliit man o malaki) para hindi mahulog ito.
Sa pinakahuling insidente, dalawa ang nasugatan sa pagkahulog ng shuttle bus ng Skyway sa bahagi ng Sun Valley-Bicutan nitong Linggo habang noong Disyembre 16, nasa 20 ang namatay nang mahulog naman ang Don Mariano bus.
Sinabi rin ni Corpuz na agad nilang pinapunta para humarap sa Skyway Management ang kanilang road safety consultant na si Alberto Suansing.
Hinihintay aniya ng TRB sa ngayon ang report ni Suansing ukol dito.
Bagama’t may barrier aniya ang Skyway na idinisenyo para salpukin at pagiging pasok ng Skyway sa international standards, sinabi ni Corpuz na “hindi po tayo hihinto sa ganun. I think we have to explore other safety measures to prevent or minimize itong mga ganitong insidente.”
Kailangan aniyang siyasatin ang pagdalas ng insidente ng bumubulusok na sasakyan sa Skyway lalo’t mabagal naman ang takbo ng shuttle bus ng mga empleyado bago mahulog nu’ng Linggo ng madaling-araw.
Tiniyak naman ng TRB na pag-aaralan nang maigi ang lahat ng anggulo at gagawin ang karampatang aksyon para matiyak na magiging ligtas ang Skyway sa lahat ng babagtas dito.
The post Disenyo ng Skyway pinapapalitan appeared first on Remate.