SWAK sa kulungan ang isang hinihinalang “akyat bahay gang” matapos madakip ng taong bayan sa Brgy.Central,Quezon City kahapon ng tanghali Pebrero 6, 2013 (Martes).
Kinilala ni Quezon City Police District Senior Supt. Richard Albano ang nadakip na suspek na si Francisco L. Lausin, 41, may-asawa, vendor ng 27 Miracle St.,Bagong Barrio, Caloocan City.
Si Lausin ay nadakip ng mga awtoridad dakong alas 12:00 ng tanghali kahapon sa kahabaan ng Matiyaga St.,Brgy. Pinyahan,QC.
Nabatid sa reklamo ng complainant na si Susan Lagahit ng 54 Mapagbigay St., Brgy. Central, QC na puwersahang sinira ng suspek ang padlock ng kanilang bahay saka pumasok sa bahay nito.
Namataan ng witness na si Fiona Conde pinsan ng biktima ang pagsira sa padlock ng kanilang bahay at saka namataan sa loob ng kanilang bahay ang suspek.
Dito na humingi ng saklolo ang witness sa kanyang mga kapitbahay at saka nadakip ang suspek sa kahabaan ng Matiyaga St., Brgy. Pinyahan, QC.
Narekober din mula sa suspek ang isang bag na naglalaman ng laptop na nagkakahalaga ng P 50,000, tatlong cellphone na nagkakahalaga ng P 20,000 na pag-aari ng biktima at isang kalibre .38 baril at mga bala.
Nahaharap ngayon sa kasong robbery, illegal possession of firearms and ammunitions (paglabag sa P.D. 1866) at paglabag sa Omnibus Election Code (Comelec Gun ban).