DAHIL sa hindi pagdalo sa pagdinig kaninang umaga (Pebrero 7), ipinaaaresto ng korte si Robert Blair Carabuena, ang motoristang sumapak sa isang Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic constable sa Quezon City noong nakaraang taon.
Ayon sa ulat, ang pagdakip kay Carabuena ay inuutos ni Quezon City Regional Trial Court (QRTC) Branch 42 Judge Juris Callanta habang pareho rin ang impormasyon na inilagay sa Tweet ng isang opisyal ng MMDA.
“Robert Blair Carabuena failed to appear today at his arraignment without justifiable cause. Warrant of arrest issued by Judge Dilinila-Callanta,” pahayag ni MMDA traffic discipline unit head Yves Gonzalez sa kanyang Twitter account.
Sinabi naman ng isang representante ng law firm na dumedepensa kay Carabuena na hindi makadadalo ang kanilang kliyente dahil sa may sakit ito pero hindi ito matanggap ng korte.
Nahaharap si Carabuena ng kasong direct assault sa QRTC sanhi ng pananakit at pag-atake kay MMDA traffic constable Saturnino Fabros noong nakaraang taon nang parahin siya ni Fabros sanhi ng paglabag sa batas trapiko sa Q.C.
Ang insidente ay nahuli sa video at kumalat din sa the Internet, kaya binigya ng leksyon ng netizens si Carabuena, na napilitan na isara ang kanyang social networking accounts.
Humingi na ng tawad si Carabuena kay Fabros. Bagamat pinatawad na niya ito ay kailangan niyang harapin pa rin ang kasong kanyang isinampa laban dito. (Robert C Ticzon)