DAHIL lamang sa kaning lamig, nagkagatan ang isang magbilas sa Camarines Sur nitong Miyekules ng madaling-araw, Marso 19.
Isinugod sa pagamutan sanhi ng napunit na kanang tainga ang isa sa magbilas na si Mark Anthony Padilla, habang nagtamo naman ng kagat sa dibdib at braso si Michael Toren, kapwa residente ng Barangay Santiago, Pili.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong 12:15 ng madaling-araw sa mismong kusina ng magbilas.
Bago ito, umuwing lango sa alak si Toren at dinatnang kumakain si Padilla sa kanilang kusina.
Dahil gutom din, humingi si Toren ng kanin kay Padilla na hindi agad naiabot kaya nagalit ito na humantong sa pagbuno ng dalawa.
Nang matapat ang kanang tainga ni Padilla sa bibig ni Toren, kinagat ito ng huli pero gumanti rin at kinagat ni Padilla ang kanyang bilas sa kanang braso at dibdib.
Hindi na nagsampa pa ng kaso si Padilla laban sa kanyang bilas na pinahimasmasan na lamang sa loob ng kulungan.
The post Magbilas nagkagatan dahil sa kanin appeared first on Remate.