UMAABOT sa P150 milyong halaga ng high-grade cocaine ang nasabat sa Barangay Tibungco, Davao City.
Ayon kay Pol. Insp. Grace Dimaal, alas-7:00 ng gabi nitong Sabado nang aksidenteng madiskubre ang mga bundle ng cocaine sa loob ng container van na naidaong sa lugar nitong Marso 19.
Magkakarga sana ng saging ang ilang tauhan ng container yard nang madiskubre ang mga cocaine na nakadikit sa kisame ng container van.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at doon narekober ang 24 bundles ng cocaine na may timbang na halos 1 kilo ang bawat bundle.
Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Director Emerson Rosales, kabuuang P144 milyon ang halaga ng nadiskubreng droga.
Sa kanyang pagbisita sa container yard nitong Sabado, inihayag naman ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may mga nakalipas nang intelligence report na may 65 bundles ng cocaine ang nakapasok sa siyudad.
Pinaniniwalaang 41 pang bundles ng cocaine ang nawawala at iniimbestigahan na ng PDEA at Davao City Police.
The post P150-M cocaine, nasabat sa Davao appeared first on Remate.