NASAGIP ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sampung kababaihan na umano’y biktima ng human trafficking sa isang videoke bar sa Santa Ana, Cagayan.
Ayon kay C/Insp. Baltazar Beran ng CIDG Cagayan, apat sa mga biktima ay mga menor de edad.
Samantala, nakatakas ang dalawa sa mga menor de edad at nagsumbong sa tanggapan ng CIDG sa lungsod ng Tuguegarao.
Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis at nahuli ang suspek na kahera sa naturang bar.
Kinilala ang suspek na si Noel Recolizado, 23, may asawa, ng Brgy. Tangatan, Sta. Ana.
Ayon naman sa mga biktima, ibinubugaw umano sila sa mga parokyano ng videoke bar.
Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng Municipal Social Welfare and Development (MSWD) ng Santa Ana ang mga menor de edad na biktima habang ang mga nasa wastong gulang ay pinauwi na sa kani-kanilang mga kaanak.
Ayon kay Beran, karamihan sa mga biktima ay taga-Metro Manila.
Samantala, dinala naman sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang suspek na kinasuhan ng human trafficking.
Inaalam pa ngayon ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng nasabing bar.
The post 10 bebot nasagip sa pambubugaw appeared first on Remate.