NGAYONG hapon na papasok sa Philippine Area of responsibility (PAR) ang bagyong Domeng.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Service Authority (PAGASA) weather forecaster na si Manny Mendoza, napanatali ng Tropical Storm Domeng na may international name na Peipah ang kanyang puwersa at taglay pa rin ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometro kada oras (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 80 kph.
Huli itong namataan sa layong 1,355 kilometro silangan ng General Santos City, alas-4 ng madaling-araw.
Pakanluran hilagang-kanluran ang direksyon ni ‘Domeng’ sa bilis na 20 kph.
Oras na bagtasin ang PAR line, tatawagin na itong Bagyong Domeng, ang ika-apat na bagyo sa bansa ngayong taon.
Kung mananatili ang bilis at direksyon nito, sinabi ni Mendoza na “ito ay magla-landfall sa may Caraga Region at sa may southern part ng Leyte; in between po ng Visayas at Mindanao.”
Sinabi pa ng PAGASA na lumakas pa ang bagyo habang nananatili pa ito sa Karagatang Pasipiko.
Samantala, ngayong Linggo, ang Cagayan Valley ay makakaasa ng kalat-kalat na mahinang pag-ulan dahil sa tail-end ng cold-front.
Bahagya hanggang maulap naman sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa, na may kasamang pulo-pulong pag-ulan o pagkidlat-pagkulog lalo na sa hapon o gabi.
The post Bagyong Domeng, papasok ng PAR ngayong hapon appeared first on Remate.