PORMAL nang sinampahan ng kasong murder ng San Juan PNP ang isang business man politician at limang kasabwat nito kaugnay ng pagpatay sa “construction magnate” na si Kelvin Tan noong umaga ng Enero 28, sa San Juan City.
Sa isang press conference sa tanggapan ni San Juan chief of Police P/Sr. Supt. Bernard Tambaoan, sinabi nito na kinukonsidera nilang sarado na ang kaso matapos ang pagsasampa nila ng murder kina Benedict Tan Tiu y Ang @ “Ben Tan”, isang politiko sa Batangas, bilang mastermind, Reggie Guadayo, negosyador at tauhan ni Tan Tiu, Hersan Fuentes, driver ni Guadayo habang isinasagawa ang negosasyon at tatlong John Does.
Ang mga suspek ay nagsabwatan umano sa pagpatay kay Tan, isang architect, may ari ng KT Builders Inc. at residente ng #16 8th st., New Manila Quezon City.
“Malakas ang ating ebidensya na pre-meditated at may conspiracy sa krimen, sagutin o i-disprove na lang nila (suspek) sa korte,” ani Sr. Supt. Tambaoan.
Hindi na rin makontak ang mga suspek sa ibinigay nilang cellphone numbers kung kayat naghinala ang pulisya na nagtatago na ang mga suspek at dagdag pa ang mga kuha sa cctv camera kung saan ay kitang kita dito ang sabwatan nina Guadayo, gunman at dalawang lookout.
Umaasa si Sr. Supt. Tambaoan na magpalabas agad ng warrant of arrest ang korte laban sa mga suspek para maisagawa ang manhunt operation laban sa mga ito.