DAHIL sa selos kaya pinagsasaksak hanggang sa napatay ang 21-anyos na butcher ng boyfriend ng babaeng kababata ng una sa Tondo, Maynila kagabi.
Namatay habang ginagamot sa Tondo General Hospital (TGH) si Raymart Manasala, ng 429 Camia St., Tondo, Manila sanhi ng saksak sa dibdib.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang magkapatid na Christian Antolin, 23, at Eduardo, 17, kapwa ng 2461 A. Bonifacio St., Tondo, Manila sanhi ng saksak sa katawan na tumakas matapos ang insidente.
Alas-11:00 kagabi nang naganap ang insidente sa kanto ng Bonifacio at Jacinto Sts., Tondo.
Ayon kay Januar Pagulayan, 25, security guard, bago naganap ang insidente ay nag-inuman sila ng biktima hanggang sa magkayayaan na kumain.
Sakay sa motorsiklo ng biktima, nagtungo ang dalawa sa nasabing lugar upang kumain nang lapitan sila ng mga suspek at pagsasaksakin sa dibdib ng nakababatang Antolin ang biktima.
Matapos ang pananaksak ay tumakas ang mga suspek dala ang ginamit na patalim.
Lumalabas na selos ang dahilan ng pagpatay ng suspek sa biktima dahil nagseselos si Eduardo tuwing nakikita niyang madalas na kakuwentuhan ng biktima ang kanyang girlfriend.
Ang biktima at girlfriend ni Eduardo ay magkababata.
The post Matansero utas sa BF ng kababata appeared first on Remate.