LAPNOS ang mukha at katawan ng isang magkapatid at isang sanggol nang madilaan ng apoy sa sunog kaninang umaga sa ilalim ng Quiapo bridge sakop ng Barangay 306, Zone 30, Carlos Palanca St., Quiapo, Maynila.
Isinugod na sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang magkapatid na Angeline, 12 at Angela Ronquillo, 8, ng 34 Basas St., Quiapo, Maynila.
Sa mukha ang lapnos ni Angeline habang sa katawan naman napaso si Angela dahil sa pagmamadali na makaalis sa lugar na inabot ng sunog.
Nabatid na alas-8:05 kaninang umaga nang magsimula ang sunog na umabot sa ikatlong alarma at idineklarang fire-out alas-8:44 ng umaga.
Maliban sa pagkakalapnos ng magkapatid ay tinatayang aabot naman sa P50,000 ang napinsalang ari-arian sa sunog na naganap sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Alex Atong.
Nabatid na isang sanggol din na ‘di pa nakuha ang pangalan ang bahagyang nalapnos ang balat sa balikat na agad itinakbo sa ospital.
Tinatayang aabot sa 50 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog.
The post Magkapatid, sanggol lapnos sa sunog sa Maynila appeared first on Remate.