KASAMANG namatay ng 27-anyos na ginang ang kanyang 8-buwang ipinagbubuntis matapos saksakin ng ex-convict sa Tondo, Manila kaninang madaling-araw.
Namatay habang ginagamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Rochelle Bautista, may live-in partner ng Lacson St., Velasquez, Tondo, Manila sanhi ng saksak sa ibaba ng dibdib at likurang bahagi ng katawan.
Itinurong suspek ang isang Rolito Morallos, 32, may live-in partner ng 221 Sta. Catalina St., Tondo na tumakas dala ang ginamit na patalim.
Sa report, alas-4:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa harapan ng bahay ng biktima.
Ayon kay Jocelyn Pascual, 37, kapitbahay ng biktima, nagpapahinga siya sa kanilang bahay nang makarinig ng sunod-sunod na sigaw kaya pinuntahan niya kung saan nakitang pinagsasaksak ng suspek ang biktima.
Isinugod naman ang biktima sa ospital subalit namatay din.
Droga naman ang tinitingnang motibo sa pagpatay sa biktima dahil may nakuha sa loob ng kanyang bra na dalawang piraso ng shabu.
The post Shabu nakuha sa bra: 8-buwan buntis utas sa saksak appeared first on Remate.