SINIBAK sa puwesto ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang warden ng Quezon District jail sa Lucena City matapos ang kontrobersyal sa suicide ni Dennis Aranas, sinasabing lookout sa Gerry Ortega case.
Ayon kay BJMP-Region IV director chief Supt. Serrafin Barretto, nagsumite na siya ng request sa Commission on Election para sibakin sa puwesto si Supt. Annie Espinosa, ang warden ng Quezon District jail habang isinasagawa ang imbestigasyon na isasagawa ng Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
Inirekomenda ng BJMP official si Supt. Teofilo Labating bilang kapalit ni Espinosa.
Ang pagsibak sa puwesto kay Espinosa ay matapos ang mga kaanak ni Aranas ay nagpahayag ng pagdududa sa pagpapatiwakal nito na sinasabi ng BJMP.
Sinabi ni Barretto ayon sa report na si Aranas ay natagpuang patay at may nakatali nang strap ng bag sa leeg habang ang ibang inmates ay kumukuha ng pagkain.
Kaugnay nito ang mga kaanak ni Aranas ay nagsabi na nakakita sila ng mga galos sa kamay ng biktimia at iba pang parte ng kanyang katawan at hindi naniniwala sa anggulong suicide sa pagkamatay nito.
Nagpahayag din ng pagdududa ang Public Attorney’s Office sa theory ng BJMP.