KASUNOD nang pagsisimula nang campaign period para sa May 13 midterm elections, inatasan ng Commission on Elections (Comelec) ang Philippine National Police (PNP) na lalo pang paigtingin ang implementasyon ng election gun ban.
Bilang tugon, ipinag-utos naman ni PNP chief Director General Alan Purisima ang istriktong implementasyon ng gun ban, at pagtugis sa mga hindi awtorisadong bodyguards ng mga kandidato.
Iniulat rin ng PNP sa Comelec na mula Enero 13 hanggang sa unang araw ng campaign period nitong Pebrero 12 ay nakapagtala na sila ng 772 gun ban violators.
Sa nasabing bilang ay 691 ang sibilyan, apat ang miyembro ng Armed Forces of the Philippines, 12 ang miyembro ng PNP, isa ang miyembro ng Bureau of Fire Protection, 11 ang government officials, 52 ang security guards, at isa ang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).
Samantala, umaabot naman sa 683 ang mga armas na kanilang nakumpiska, kasama ang may 28 granada, 159 iba pang pampasabog tulad ng dinamita, at 202 bladed at pointed weapons.