NILIGPIT ng dalawang maskaradong lalaki ang isang eksperto sa paglalaro ng cara y cruz sa Quezon City kaninang madaling-araw.
Dead-on-the-spot sanhi ng isang tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo ang biktimang si Edmar Ligsay, 32, ng Barangay Payatas B, QC.
Blangko pa ang Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) kung sino ang mga salarin na kapwa nakasuot ng balacbala o ski mask na cloth headgear na dinisenyo para maikubli ang ulo hanggang sa leeg ng taong nagsusuot nito.
Sa ulat, naganap ang insidente ala-1:15 ng madaling-araw ilang metro lamang ang layo sa bahay ng biktima.
Bago ito, huling nakitang buhay ang biktima na nakikipagpustahan sa cara y cruz sa ilang hindi nakikilalang kalalakihan.
Nang manalo sa sugal, umuwi na ang biktima pero lingid sa kanya ay may panganib palang nag-aabang sa kanya.
Hindi na nadepensahan ng biktima ang sarili nang malapitan siyang barilin ng mga suspek sa ulo.
The post Master sa cara y cruz itinumba sa QC appeared first on Remate.