TODAS ang isang drag racer habang anim naman ang sugatan nang mamaril ang natalo sa karera sa Quezon City kaninang madaling-araw, Martes, Abril 15.
Kinilala ang biktima na si Jacky Rajaroja, 22, ng Lot 2, Blk.30, Tetalonian St., Jordan Plain Subd., Brgy. Sta. Monica, Novaliches, QC.
Dead–on–arrival si Rajaroja sa Commonwealth Medical Center dahil sa tinamong tama ng bala sa dibdib at ibang bahagi ng katawan.
Habang nasugatan naman dahil sa tama ng bala ng kalibre .40 na baril sina Carl Webb, 38, ng Maligaya Park Subd. Brgy. Pasong Putik, QC, Michael Ray Tolentino, 33, ng Brgy. Holy Spirit, QC, Jeffrey Viray, 32, ng Novaliches, QC, Mico Caguindagan, 19, ng Novaliches, QC, Nico Tanchavez, 28, ng Novaliches, QC at Joel Salvador, 22, ng Camarin, Caloocan City.
Sa ulat ng Quezon City Police District Station 5-Lagro, Fairview, naganap ang insidente alas–4:00 ng madaling-araw habang nagkarerahan ng kotse ang mga kabataan sa Mindanao Ave., Greater Lagro, Brgy. Pasong Putik, QC kahapon.
Nabatid kay PO2 Jaime Samson ng QCPD Fairview Police Station 5, nagsimula ang drag racing ng mga biktima at suspek malapit sa Aberdeen St., Greater Lagro, QC dakong 12:00 ng hatinggabi at matapos ang naturang karera ay basta na lamang namaril ang natalong suspek na ikinasawi ng isang biktima at pagkakasugat ng anim na katao.
Hinihinalang natalo umano ng malaking halaga ang suspek na si alyas Ian kaya ito namaril at agad na tumakas bagama’t pinaghahanap na ngayon ng mga otoridad.
The post 1 patay, 6 sugatan sa pamamaril ng natalo sa pustahan appeared first on Remate.