TINAPOS muna ang pagtugtog ng Lupang Hinirang bago pinagbabaril ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang isang town mayor ng Cagayan kaninang umaga, Abril 21.
Sinabi ni Cagayan provincial police chief Senior Superintendent Gregorio Lim, ang biktimang si Gonzaga town mayor Carlito Pentecostes, Jr. ay magde-deliver palang sana ng isang speech nang lapitan at pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang kalalakihan na kapwa nakasuot ng camouflage uniforms. Nagtamo si Pentecostes Jr. ng tatlo hanggang limang tama ng bala ng hindi pa malamang kalibre ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan at namatay noon din.
“Pagkatapos ng Pambansang Awit at bago mag-speech si Mayor, biglang may lumapit sa kanya allegedly dalawa … at pinagbabaril siya,” pahayag ni Lim.
Ang dalawa aniya ay kabilang sa 20 miyembro ng NPA na nakakalat sa bisinidad ng flag ceremony. “Confirmed na NPA,” sambit pa ni Lim.
Naganap ang insidente dakong 8:00 ng umaga sa may flagpole ng Gonzaga Municipal Hall.
Ayon sa mga nakasaksi, binati pa ng biktima ang dalawang salarin nang lumapit sa kanyang tapat pero ang pakay pala ay para patayin siya.
Nang makatiyak na patay na ang kanilang target, umigtad at sumakay ang mga suspek sa isang Elf-type truck at isang van at saka humarurot.
Isa sa motibo sa pagpatay ay ang black sand mining sa lugar na mariing iprinotesta ng NPA matapos ipatigil ito ng biktima.
The post Town mayor ng Cagayan, niratrat sa flag ceremony, tigbak appeared first on Remate.