NASAGASAAN ng bus ang isang pulis matapos sumalpok sa isang van ang kanyang pinapatakbong motorsiklo sa Albay kaninang umaga, Abril 21.
Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si PO1 Juan Lopez Tarozza, ng Zone 2, Catmon St., Molave Road, Barangay Liboton, Naga City at naka-assign sa Regional Public Safety Battalion at kasalukuyang naka-augment sa Daragang Magayon Festival.
Sumuko naman agad sa pulisya ang suspek na si Armando Silares, 47-anyos, bus driver ng PPB bus line at tubong Sta Cruz, Davao del Sur na nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide. Ang naturang bus ay nagmula sa Davao City at paluwas ng Metro Manila.
Naganap ang insidente alas-9:00 ng umaga sa boundary ng Barangay Bongalon at Busay, Daraga, Albay.
Ayon kay Silares, bago niya nasagasaan ang biktima ay sumalpok muna ang pinapatakbong motorsiklo nito sa isang sports utility van na hindi niya naplakahan.
Sa pagtihaya aniya ng biktima sa kalsada nang mahulog sa motorsiklo ay nagpagulong-gulong ito at nasagasaan niya.
The post Parak nasagasaan ng bus, todas appeared first on Remate.