PATAY ang isang 38-anyos na lalaki habang sugatan ang 2 taong gulang na anak nito nang mabaril ng isang pulis Crame matapos magwala sa grupo ng kasamahan ng huli sa Sampaloc, Maynila kagabi.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Brendon Atibula, may-asawa, ng 304 Mabini St., Sampaloc, Maynila sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Ginagamot naman sa Ospital ng Sampaloc ang anak ng biktima na si Matt Atibula, 2, sanhi ng pagpalo sa ulo.
Pinagpapaliwanag naman ng pulisya si PO3 Salvador Nepomuceno, Jr., 42, nakatalaga sa Directorate for Operations sa Camp Crame, Quezon City at residente ng 300 MF Jhocson St., Sampaloc, Maynila.
Sa report ni PO2 Richard Escarlan ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong 8:00 ng gabi ng naganap ang insidente sa 1319 Lardizabal St., Sampaloc, Manila.
Ayon sa isang Gillian Atibula, 37, pedicab driver, kapatid ng biktima, nakita niya ang kanyang kapatid na lasing na naglalakad habang karga-karga ang anak nitong si Matt patungo sa Rianzares St.
Sinabihan umano ni Gillian ang biktima na huwag nang tumuloy sa lugar subalit binalewala nito dahilan upang sundan na lamang nito ang kapatid at nakarinig ng tila nag-aaway kaya inalalayan niya ito at kinuha ang kanyang pamangkin hanggang sa nakarinig na lamang siya ng sunod-sunod na putok at nakita na lamang ang kapatid na duguan na nakahandusay sa lupa.
Isinugod ni Gillian ang pamangkin sa ospital dahil sa tinamong sugat sa ulo sanhi umano ng palo.
Ayon kay Escarlan, umaga pa lamang umano ay nakipag-inuman na ang biktima at nang malasing ay nagwala ito.
Dagdag pa ni Escarlan na maging ang mga bisita umano ni Nepomuceno na nag-iinuman din ay kanyang hinamon kaya sinaway na umano siya ng huli gayunman, sinabihan pa umano ng biktima na “walang pulis-pulis” sa kanya.
Paliwanag naman ni Escarlan na kaya nasugatan si Matt ay dahil ginawa umano siyang pananggalang sa suntukan.
Kusa namang isinuko ni Nepomuceno ang baril na ginamit at nakahanda rin umano siya sa imbestigasyon.
The post Kelot patay nang mabaril ng parak appeared first on Remate.