NAKASUBSOB pa sa timbang puno ng tubig ang ulo ng isang 56-anyos na stay-in driver nang matagpuang wala ng buhay sa CR ng pinapasukang hardware, alas-8:15 kaninang umaga sa Paco, Maynila.
Ayon sa MPD, kinilala ang biktima na si Wilfredo Felicia, Sr., stay-in sa JNC Hardware sa 1746 Singalong St., Paco.
Nauna dito, nagtaka si Herman Tiu, 52, may-ari ng hardware kung bakit tanghali na ay hindi pa lumalabas ang biktima dahilan upang tingnan ang metro ng tubig kung umiikot sa paniwalang naliligo ang biktima.
Dahil umiikot ang metro ng tubig ay ipinagpalagay ni Tiu na naliligo na ang biktima gayunman, napuna nito na sobrang tagal na sa CR ni Felicia kaya tinawag niya ito ngunit wala sumasagot dahilan para tawagin si Michael Tersol, helper ng nasabi ring hardware at utusan na puntahan si Felicia.
Pagpasok ni Tersol ay napansin na bukas ang tubig sa CR kaya tinawag niya ang biktima subalit hindi ito sumasagot dahilan upang ipaalam sa amo at binuksan ang CR kung saan tumambad sa kanila ang biktimang hubo’t-hubad na nakalublob ang ulo sa timba na puno ng tubig at patay na.
Wala namang nakitang anomang sugat o bakas na pinahirapan ang biktima kaya pinaniniwalaan ng pulisya na inatake ito habang naliligo.
Ang biktima ay apat na taon nang nanunungkulan bilang driver sa nasabing hardware store.
Ang katawan ng biktima ay kasalukuyang nakalagak sa Harold Funeral Homes para sa safekeeping at awtopsiya.
The post Lalaki, natagpuang patay at nakalublob ang ulo sa tubig appeared first on Remate.