NAGKABUTAS-BUTAS ang katawan ng isang barangay chairman nang ratratin ng mga hindi nakikilalang armadong kalalakihan sa Batangas nitong Lunes ng gabi, Abril 21.
Dead-on-the-spot sanhi ng tama ng bala ng M16 armalite rifles ang biktimang si Roberto Garcia, 49, tserman ng Barangay Polinite, Laurel, Batangas.
Wala pang ideya ang Laurel PNP kung sino ang pumatay sa biktima pero isa sa sinisilip na motibo ay may kaugnayan sa politika.
Sa ulat, naganap ang insidente alas-9:25 nitong Lunes ng gabi sa may madilim na bahagi ng Barangay Polinete.
Bago ito, nanood ang biktima sa isang basketball game sa plaza ng Barangay Balete at nang matapos ay sumakay na sa kanyang motorsiklo para umuwi.
Lingid sa biktima, inaabangan na pala ang kanyang pagdaan sa nasabing lugar kaya bago lumampas sa mga salarin ay sinalubong na siya agad at pinagbabaril.
Sa ngayon, bumuo na ng special investigation task group ang Batangas Philippine National Police para imbestigahan ang pananambang kay Garcia.
The post Laurel, Batangas chairman utas sa ambus appeared first on Remate.