KALABOSO ang isang guwardiya matapos pagsamantalahan ang isang 14-anyos na dalagitang, ka-textmate sa Quezon City, ayon sa pulisya kaninang umaga, Abril 23, Miyerkules.
Si Jeffrey Abing, 29, guwardiya ay dinakip base sa reklamong panggagahasa ng biktimang itinago sa pangalang Rose, 2nd year high school student sa Caloocan.
Ayon sa imbestigasyon ni SPO4 Rosemarie Sy ng Quezon City Police District Novaliches Station 4, naganap ang panghahalay sa Hotel Mokko sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Sta Monica, Novaliches, QC alas-10:00 ng gabi nitong Linggo, Abril 20.
Bago ito, tinext ng suspek para imbitahin ang biktima na magkita sila sa may Nova Mall sa Brgy. Nova Proper na ginawa naman ng huli.
Habang nasa mall, niyaya ng suspek ang biktima na manood ng sine sa SM Fairview saka kumain.
Kasunod nito, dinala umano ng suspek ang biktima sa naturang hotel, gayunman, tumanggi ang huli pero hinawakan siya ng una saka pinapasok sa loob.
Inutusan umano ng suspek ang biktima na mag-shower at matapos ito ay saka nangyari ang nasabing pang-aabuso.
Ipinabatid agad ng biktima ang nangyari sa kanyang mga magulang na agad namang inireport nito sa kanilang barangay. Dinala ng barangay ang biktima sa PNP crime laboratory para ipasuri kung saan lumabas na positibo itong hinalay dahilan para ipaaresto at sampahan ng kaso ang suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong rape in relation to Republic Act 7610.
The post Sekyu kulong sa pang-aabuso sa isang dalagita appeared first on Remate.