PITONG miyembro ng kilabot na Abas Drug Group ang nasakote ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa sunod-sunod na search warrants operation sa Maguindanao.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga inarestong suspek na sina Anwar Nakan, alyas Joe Abas, 33-anyos at asawa niyang si Sanima, 29; Abdulbasit Dipatuan, alyas Basco Duga, 34; Neng Dipatuan, 37; Heria Baraguir, alyas Jeny, 19; Thong Ambolodto, 40; at Saguira Guiamalon, 37.
Ayon kay Cacdac, ang naturang grupo ay sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa Maguindanao at sa karatig na munisipalidad na ang dalawa umano sa mga ito ay subject ng case operation plan “Save the Babies”.
Nakumpiska sa mga suspek ang may 213 sachet ng shabu na may bigat na 80 gramo, mga baril at bala at mga drug paraphernalia.
Kasalukuyan nang nakapiitang pito sa PDEA-ARMM jail facility sa Cotabato City at nahaharap sa kasong paglabag sa Article II, Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kaugnay nito, ayon kay Cacdac, malaking bagay ang pagkakahuli sa pitong miyembro ng sindikato dahil mapipilay ang operasyon ng grupo sa Barangay Makir, Maguindanao.
Hindi rin aniya sila titigil hanggat hindi nahuhuli ang tatlong iba pang suspek.