ARESTADO ang dalawang security guard na hinihinalang bumaril at pumatay sa isang businesswoman sa sa Paco, Maynila, kahapon (Pebrero14).
Kasalukuyang nakakulong ngayon sa detencion cell ng Manila Police District-Homicide Section ang mga suspek na sina Gerrie Bucio, 45-anyos, nakatira sa Area 6, Sitio Cabuyao, Barangay Sauyo, Novaliches; at Eduardo Amor, 43, residente ng Blk. 4 Lot 11 Sanvaville, Antipolo City, Rizal.
Ayon kay PO2 Jose Gumilan, imbestigador, sa isinagawang follow up operation ng pulisya dakong alas-4:00 kahapon, naaresto ang mga suspek habang naka-duty sa Paco market .
Sinabi ni Gumilan, ang dalawa ay itinuro ng nagpakilalang witness na si Liwayway Dondon na resposable sa pagnanakaw sa dalang pera ng biktima na si Delia Addum, balo at taga-Paz St., Paco, Maynila.
Nabatid na naglalakd ang biktima patungong palengke nang lapitan siya ng isa sa suspek at saka binaril .
Nang bumagsak ang biktima ay kaswal lang na naglakad ang suspek patungo sa kasamahan niyang naghihintay na sakay ng motorsiklo.
Nakatakdang sampahan ng robbery with homicide ang dalawa.