TIGOK ang isang checker matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek habang ang una ay papunta sa kanyang trabaho sa Caloocan City, Huwebes ng gabi (Pebrero 14).
Dead on arrival sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center si John Neil Latido, 41 ng Tulingan st., Dagat-dagatan ng lungsod dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.
Batay sa ulat, dakong alas-7:40 ng gabi, naglalakad malapit sa kanilang bahay ang biktima patungong trabaho nang sumulpot ang suspek at pagbabarilin si Latido.
Kahit may tama ay nagawang makabalik ng bahay ang biktima at nang malaman ng anak na lalaki ay hinabol ang suspek hanggang sa magbuno.
Dahil mas malakas ang suspek ay nagawang makakawala at tuluyang nakatakas habang dinala naman ang biktima sa PDMMMC.
Inaalam na ng mga pulis kung sino ang suspek at ang motibo nito sa pamamaril.