NAKORNER ng pulisya ang isa sa dalawang holdaper na nambiktima sa dalagitang nag-aabang ng sasakyan sa Quezon City, Biyernes ng madaling araw.
Dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang hindi pa nakikilalang suspek na inilarawan na nasa edad 30-35 anyos, payat, nakasuot ng kulay brown na short pants at itim na t-shirt.
Nakarekober din sa suspek ang iba’t ibang identification card na pinaniniwalaang nagmula sa mga biktima nito.
Nakatakas naman ang hindi rin nakilalang kasamahan nito na sumuot sa iskinita na kilalang pinagdadaanan ng mga holdaper sa lugar.
Naganap ang insidente dakong alas 12:45 ng madaling araw sa tapat ng iskinita na malapit sa isang creek sa may Araneta at Quezon Avenue, Barangay Tatalon.
Ayon sa dalagitang biktima, naghihintay siya ng masasakyang dyip nang lapitan at tutukan ng baril ng isang lalaki at back-up nito.
Hiningi ng mga suspek ang kanyang cellphone bago mabilis na pumasok sa naturang iskinita.
Sakto namang may dumaan na Quezon City Police District mobile patrol sa lugar kaya nakapagsumbong ang biktima.
Hinabol ng mga pulis na sakay sa kanilang mobile patrol pero nang maabutan ay pinagbabaril sila nito kaya gumanti sila ng putok na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.