DUMULOG sa Manila Police District-General Assignment Section (MPD-GAS) ang isang British national upang ireklamo ang kanyang Pilipinang kasintahan matapos tangayin ang kanyang mamahaling gamit at pera sa tinutuluyang hotel sa Maynila.
Sa reklamo ni Michael Stevenson Peter, 67, tubong England at pansamantalang nanunuluyan sa Room 502 ng Orange Nest Hotel sa 1814 Marcelino St., Malate, Maynila, anim na beses na siyang pinagnakawan ng kanyang “girlfriend” na si Angela Joy Lopez, 27, tubong National Highway, Olongapo City.
Nitong huling insidente, kinuha ng kanyang GF ang kanyang 600 British pounds sa kanyang pitaka bago umalis sa tinutuluyang hotel at nagpaalam na umuwi sa Olongapo kahapon.
Nabatid na tinawagan pa ng biktima ang nobya at sinabi nito ang hakbang na gagawin at nakiusap pa na huwag nang ituloy ang pagsasampa ng reklamo.
Nabatid na may apat na taon na niyang karelasyon ang biktima at dumating siya sa bansa muli noong nakalipas na Abril 21.
Dahil sa pagkadismaya, sinabi ng dayuhan na hindi na ito babalik pa ng bansa pagkatapos niyang maisampa ang demanda laban sa nobya.
Iginiit pa ng biktima na hindi siya ang gusto ng nobya kundi ang kanyang pera.
The post British national ninakawan ng nobyang Pinay appeared first on Remate.