DAHIL sa kantang Pusong Bato, dalawang kelot ang pinagsasaksak ng grupo ng kalalakihan sa loob ng isang KTV bar kagabi sa MH del Pilar, Brgy. Santolan, Malabon City.
Kapwa inoobserbahan sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang mga biktimang sina Franklin Celso, 20, factory worker, at Filamer Ralar II, kapwa ng Karisma Village, Brgy. Panghulo ng nasabing lungsod sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang naaresto ang mga suspek na sina Wilmer Padilla, 25, at Alvin Rempis, 18, pawang ng E. Martin St., Brgy. Santulan, nahaharap ngayon sa kasong frustrated murder.
Sa imbestigasyon, alas-11:00 kagabi nang maganap ang insidente sa loob ng isang maliit na videoke bar sa Tatawid St., Brgy. Panghulo, nasabing lungsod.
Nag-iinuman ang dalawang grupo nang kantahin ng isa sa mga biktima ang Pusong Bato na request ng grupo nina Padilla.
Dito na nagkasigalot ang dalawang grupo hanggang sa magpasya sina Celso at Ralar II na umalis na lamang upang hindi na lumala ang sitwasyon.
Subalit ayaw magpapigil ng grupo ni Padilla hanggang sa sundan ng mga ito ang dalawa at agad na pinagtulungang saksakin.
The post 2 kritikal sa ‘Pusong Bato’ appeared first on Remate.